Best Ang Poems
Mahalin natin ang sariling wika,
Huwag natin itong ipagpapalit;
Ito'y kayamaman ng ating bayan,
Biyaya ng Diyos mula sa langit.
Ang wikang Filipino ay dakila,
Ginamit ito ng mga bayani
Na lumaban sa mga mananakop
Upang makalaya sa pagka-api.
Kahit tayo'y nasa ibayong dagat,
Itaguyod ang wikang Filipino;
Dala nito ang pambansang kultura,
Na lumalaganap sa buong mundo.
Tumitibay ang pagkakapatiran
Ng lahing Filipino bilang bansa;
Pangungusap na galing sa isipan,
Mula sa puso ang pagsasalita.
Sikapin nating ganap na tumugon
Sa isip, sa salita, at sa gawa;
Mula ngayon hanggang sa katapusan,
Mahalin natin ang sariling wika.
Categories:
language,
Form:
Quatrain
Ang pagmamahal sa pamilya
Ay tungkulin ng lahat;
Magulang man o mga anak
Ay sa pag-ibig iminulat.
Ang pagmamahal sa pamilya
Ay may kalakip na biyaya;
Pagpapalain ng Diyos,
Ang buhay ay payapa.
Ang pagmamahal sa pamilya
Ay napakabuting ugali;
Maisasalin sa mga supling,
Hanggang sa susunod na lahi.
Ang Diyos ang unang umibig,
Nang likhain sina Adan at Eva;
Ipinagkaloob ng Lumalang
Ang pagmamahal sa pamilya.
Categories:
ang, family,
Form:
Verse
Huwag manlalamig ang pag-ibig sa Diyos,
Kahit ano pa ang maganap sa daigdig;
Palaging sundin ang Kaniyang mga utos,
Sa kapighatian ay huwag padadaig.
Kahit ano pa ang maganap sa daigdig,
Maging maalab sa tawag ng ating Ama;
Sa kapighatian ay huwag padadaig,
Huwag maglaho ang ningas ng ating sigla.
Maging maalab sa tawag ng ating Ama,
Mahalin natin ang Diyos nang buong lugod;
Huwag maglaho ang ningas ng ating sigla,
Huwag tayong magsawa, huwag manghimagod.
Mahalin natin ang Diyos nang buong lugod,
Tayo'y tumalima na kalakip ang puso;
Huwag tayong magsawa, huwag manghimagod,
Ikintal ang mga aral na itinuro.
Tayo'y tumalima na kalakip ang puso,
Palaging sundin ang Kaniyang mga utos,
Ikintal ang mga aral na itinuro,
Huwag manlalamig ang pag-ibig sa Diyos.
Categories:
ang, faith,
Form:
Pantoum
Sa kanilang mga anino,
Kami’y kanilang itinago
Lagi kami ang sinusuyo
Na manatili lang sarado
Na dating walang pumapanig
Noong kami ay nalulupig
Ngunit ngayon, kami’y titindig
At sana’y kami ay marinig
At bakit naman kami matitinag?
Dahil ba kami ay babae lamang?
At bakit kami pa ang maduduwag,
Sa lupaing kami rin ang nag-silang?
Kailan pa nagging sukatan
Ang aming mga kasarian?
At ang taglay na kakayahan
Na ipagtanggol ang lipunan
Mag-dadamit, mag-hahayag ng malaya
May lakas ng loob at di nahihiya
Dahil di na nila kami madadaya
Sa pag-laban namin ng aming hustisya
Tatayo kami at titingala
Sa pag-tibay ng paniniwala
Ika’y babaeng dinadakila,
Na di na muling maalila.
PM, 2022
Categories:
ang, celebration, courage, woman, women,
Form:
Other
Ihanda ang sarili sa Banal na Hapunan,
Ang pagdalo sa pagsamba ay pagtalagahan;
Itaguyod ang ganap na pagbabagong buhay,
Lubos na isulong ang ikapagtatagumpay.
Tumulong tayo sa gawang pagpapalaganap,
Huwag magsasawang mag-anyaya at maghanap;
Akayin ang tao sa mga dako ng misyon,
Itanyag natin ang pangalan ng Panginoon.
Makipagkaisa tayong lahat sa pagsunod,
Huwag tayong manghihinawa kahit mapagod;
Maging maalab sa kasiglahang espiritwal,
Pagpapalain ang sa Diyos ay nagpapagal.
Sasalo tayo sa dulang ng bugtong na Anak,
Upang kupkupin at huwag tayong mapahamak;
Kakain tayo ng tinapay na s'yang katawan,
Iinom ng ubas na dugong kapatawaran.
Alalahanin nga ang kamatayan ni Cristo,
Na dahil sa Iglesia ay ililigtas tayo;
Tinubos tayo sa ating mga kasalanan,
Ihanda ang sarili sa Banal na Hapunan.
Categories:
ang, faith,
Form:
Couplet
Ilog na hindi natutuyo ang agos,
Pinagtularan sa biyaya ng Diyos;
Malinaw na tubig na dumadausdos,
Bumubukal at hindi nga nauubos.
Huwag wawasakin ang likas na yaman,
Kapalit ng walang habas na minahan;
Kapag nagalit ang nasa kalangitan,
Magdudulot ito ng kapahamakan.
Pagputol ng puno sa bundok at gubat,
Ang mga pagbaha ay ito ang ugat;
Pagguho ng lupa'y huwag ikagulat,
Dahil ang daigdig ay batbat ng lamat.
Dapat nating mahalin ang mga sapa,
Upang makinabang ang matanda't bata;
Magkaisa tayo't huwag magpabaya,
Maging Pilipino ka man o banyaga.
Tagtuyot man ay dumating at kumilos,
Ay hindi ka maliligalig na lubos,
Magandang dako na dapat mong matalos,
Ilog na hindi natutuyo ang agos.
Categories:
ang, nature,
Form:
Verse
Aniay USA ka lamok nga miduol kanako
Naghinayhinay ang iyang tingog
Apan ako lang kining gepasagdian
Nagpuyo ra kini tapad kanako
Sa dihang nakita ko ang akong gihigugma
Siya nga wa ma ako og ako nga wa ma iya
Pero siya ang kinasingkasing kong kalipay
Unta ako muduol pero naunhan sa lamok nga ge atay
Sa dihang minglayo na ang lamok kanako
nagkakusog ang tingog miini
Deay to ningtugdon og ga palibot kanimo
IMO kining ge warawarahan
Apan ako imo lang ge snob.ban
Ug sa pagduol niini kanimo
Mas gitagad mo pa sya kaysa nako
Nakabati ko ug kasakit
Bisan og wala ko gepahit
Samtang ga lupad-lupad ang bigaon nga lamok
Wa ko kasabot ngano kana imong kakuyog
Bisan naay mas tarong sa duol
Adto hinuon ka sa insekto kaysa nako nga perpekto
Piste kasakit
Categories:
ang, allegory, animal, best friend,
Form:
Free verse
Ang papel ng anak sa pamilya
Ay ang paggalang sa ama't ina;
Ang pagsunod sa kanilang payo
Ay totoong mabuting prinsipyo.
Ang kailangan n'yang magampanan
Ay ang pagtuklas ng karunungan;
Dapat na mag-aral na mabuti
Upang mapaunlad ang sarili.
Sa masama ay huwag tutulad
Dahil sa panganib mapapadpad;
Umiwas sa ugaling baluktot
At magtaglay ng banal na takot
Huwag mag-aakyat ng suliranin
Dahil sa pagbugso ng damdamin;
Karangala'y dalhin sa magulang,
Papuri sa Diyos na lumalang.
Utang na loob ay tinatanaw
Sa nag-aruga gabi at araw;
Di ipinagwawalang bahala
Ang papel ng anak sa pamilya.
Categories:
ang, poems,
Form:
Couplet
Ang agos ng ilog ay dumadaloy,
ito’y hahantong din sa dagat,
tulad nating lahat
uuwi rin sa pinanggalingan.
Ang tuyong dahon ma’y
‘di magtatagal ay mapapagod din,
Ito’y kusang mahuhulog
sa ihip ng hangin.
Kapatid ko, ako’y naririto,
naghihintay sa iyo kung ika’y hapo.
Halika at sa bisig ko
ihinga ang mga hinanakit sa buhay.
Ako’y makikinig, hindi mo ba nakikita
umaga’y nasa isang dako lamang?
Lahat ng bagay dito sa lupa
babalik sa pinagmulan,
halina uuwi tayo
tungo sa isa’t isa.
Mahal kita, mahalin mo ako,
bigyan mo ng pag-asa,
ang buhay ay ligaya,
pag-ibig sa tuwina.
Categories:
angst, inspirational, love,
Form:
Gamitin ang mouse sa pagbuo ng oda,
Pindutin siya sa kaliwa o kanan;
Pailawin ang kaniyang mata;
Paikutin ang gulong sa likod ng tiyan.
Pindutin siya sa kaliwa o kanan,
Ingatan ang buntot na payat;
Paikutin ang gulong sa likod ng tiyan,
Panatilihing makinis ang balat.
Ingatan ang buntot na payat,
Palakarin siya sa mouse pad;
Panatilihing makinis ang balat,
Matapos gamitin ay iligpit kaagad.
Palakarin siya sa mouse pad,
I-highlight ang nais i-delete;
Matapos gamitin ay iligpit kaagad,
Pakinabangan siya kahit maliit.
I-highlight ang nais i-delete,
Pailawin ang kaniyang mata;
Pakinabangan siya kahit maliit;
Gamitin ang mouse sa pagbuo ng oda.
Categories:
ang, technology,
Form:
Pantoum
I. Ang Simula ng Simula
"Pintor, Manlililok, Anluwage't Arkitekto,
Retradista, Manunulat, isang Panadero.
Planado ang ngayon, bukas, maging ang kahapon.
Kahit ano paman, ika'y aming Panginoon."
II. Ang Paglikha
"Sa'yong salita, kanyamaso'y binigyang buhay,
Ginuhit ang layon, pinta'y ibat-ibang kulay.
Brotsang kay dakila, mas masilaw pa sa araw,
Gabi'y ipininta ng kumikimtab, umiilaw."
III. Mga Pinagmulan
"Hindi sa bato't kahoy, kundi dahil sa luwad,
Sa alikabok, hinulma't Sa'yo itinulad.
Paghinga't kaluluwa ibinigay kay Adan,
Tadyang nama'y kay Eva ito ang pinagmulan."
IV. Pag-ikot ng Kasalanan
"Nagsimula ang kasalanan, ang karahasan,
Nang mamulat sa kabutihan at kamalian.
Metro't iskwala, sukat parin ang kalayaan,
Mundo'y napako sa pag-ikot ng kasalanan."
V. Batong-panulok
"Tunay, matibay, kongkreto ‘yan ang Pag-ibig Mo.
Pinaghalong ga-buhanging himala ang mundo,
Pati kaming mga batong bubuo sa templo.
Ikaw ang pundasyon, ang proteksyon sa dilubyo."
VI. Ang Pagkakita
"Ang buong diwa ay ang pananampalataya;
Ang makakita't maniwala'y mamamanata.
Animo'y sa retrato, wala ngunit gunita.
Tanaw sa lente ng Iyong puso at haraya."
VII. Nag Markang Awa
"Ang dugo ang siyang nagsulat at siya ring nagbura;
Naglimbag ng awa at natanggal sa'ming sala.
Dahilan ng kabanata't ang unang salita.
Ang Simula, ang bukas, ang Magandang Balita."
VIII. Ang Tinapay ng Buhay
"Ang tinapay ng buhay, sa’ming mga nilalang;
Ang minasang aral, pag-asa lalo sa ilang.
Kahit na walang lebadura ang sanlibutan,
Aalsa ang pananalig, lakas makakamtan."
IX. Lahat ay may Dahilan
"Kung ang ngayon man ay sinubok ang katapangan,
Pagkakasala, siya ring aming pananagutan.
Dahil ang masining Mong balangkas ay patunay,
Lahat may dahilan, pagkat ikaw ang naghanay."
Wakas...
Categories:
ang, faith, god, religion, religious,
Form:
Rhyme
Mabuti't inaari mong kalayaan
Ang namamayani sa mahal kong bayan!
Mabuti't iyo paring nalalasahan
Ang bunga ng pagkakabuwal ni Rizal!
Ngunit bamuti ba ‘yong nakikita?
Siguro nga ganap na tayong ‘timawa,
Subalit imulat mo ang mga mata
Pakpak nati'y hindi parin malaya!
Kung totoo't ganap ang kalayaan
Bakit basal ang isip ng karamihan?
Ang totoong nagaganap sa sambayanan
Ay batid lamang ng tiyak kong iilan.
Hindi tayo Malaya! Ito ang totoo;
Patuloy tayong tota ng ‘sang Estado!
Nakasandig parin sa kapangyarihan
Ng isang Amerikang mayama't marangal.
Categories:
ang, business, cry, today,
Form:
Rhyme
Ang asin ng sanlibutan
Ay nagmula sa dagat;
Gawa ng Inang Kalikasan,
Ang lasa ay maalat.
Ang asin ng sanlibutan
Ay totoong napakahalaga;
Kailangan ito ng katawan
Upang tubig di agad makawala.
Ang asin ng sanlibutan
Ay may iba't ibang uri;
May magaspang at pino,
May orihinal at peke.
Ang asin ng sanlibutan
Ay hindi lang para sa lutuin;
Gamit din upang di mabulok,
Karne ng hayop o isda rin.
Ang mga tao sa mundo
Ay alipin ng kabulukan;
Pinagtularan sa Iglesia ni Cristo
Ang asin ng sanlibutan.
Categories:
ang, life,
Form:
Verse
Ikwintas mo sa iyong leeg ang tali,
Itanim mo rin ito sa iyong puso,
Panghawakan mo sa lahat ng sandali,
Huwag mong bitawan nang dahil sa tukso,
Ito ang sa iyo ay magkakandili,
Kahit ano pa ang mangyari sa mundo,
Ibuhay mo nga ang salita ng Diyos,
Sundin ito nang buong ingat at lubos.
Sa iyong leeg ang tali ay ikwintas,
Laging magpasakop sa Pamamahala,
Huwag kang lalabag sa utos at batas,
Huwag itong ipagwawalang-bahala,
Upang sa araw ng wakas ay maligtas,
At matiyak ang biyaya't gantimpala,
Ang matulis ay huwag ngang sisikaran,
Sayang ang tiniis kapag kinalagan.
Manatiling tapat sa mga tuntunin,
Huwag kang titigil sa mga pagtupad,
Sa Amang banal ay maging masunurin,
Ang nasa pagsamba'y tiyak na mapalad,
Landas ng masama ay huwag tahakin,
Upang putong ng katwiran ay igawad,
Sa 'yong pag-ibig ay huwag manlalamig,
Ikwintas mo ang tali sa iyong leeg.
Categories:
ang, faith,
Form:
Ottava rima
Katulad ng lawin-lawinan ang buhay,
Minsa'y sa itaas, minsa'y sa ibaba,
Nagiging masaya kapag nagtagumpay,
Nalulungkot sa panahon ng sakuna,
Mahalagang ang Diyos ang gumagabay,
Anumang sitwasyon ay di alintana,
Dahil laging tinuturuan ng aral
Mula sa Panginoon at Amang Banal.
Ang buhay, lawin-lawinan ang katulad,
Sa pagtaas ay humawak nang mahigpit,
Sa tuntunin ng Diyos dapat lumakad,
Manalangin sa Ama kung nagigipit,
Ang nagpapakababa'y siyang mapalad,
Sa Dakilang Lumikha siya'y malapit,
Ang pagkabigo ay isa sa pagsubok,
Sa pag-asa ay huwag maging marupok.
Huwag magtataka kung hindi pareho
Ang bawat isang nilalang sa daigdig,
Ang Diyos ang nagmamaneho sa tao
Na kung nais ng Diyos ay kinakabig,
Nababago rin ang pag-ikot ng mundo,
Ngunit ang wakas ay hindi na lalawig,
Sa Diyos kumapit kung nahihirapan,
Ang buhay ay tulad ng lawin-lawinan.
Categories:
ang, life,
Form:
Ottava rima