Matiyaga kong hihintayin
Ang magandang Bayang Banal;
Alinlanga'y aalisin,
Susundin Ka, Amang mahal.
Titiisin ko ang hirap,
Habang narito sa mundo;
Sa isip ay isasangkap
Ang lakas buhat kay Cristo.
Kailangan ko ang tatag
Ng loob upang madaig
Ang hilahil at bagabag
Pati dusa sa daigdig.
Pipilitin kong matapos
Ang takbuhin ko, O Ama;
Sasambahin Ka nang taos
Sa puso at kaluluwa.
Hindi ako matatakot
Sa balisa't suliranin;
Mapapawi na ang lungkot,
Matiyaga kong hihintayin.
Categories:
amang, poems,
Form: Quatrain
Ikwintas mo sa iyong leeg ang tali,
Itanim mo rin ito sa iyong puso,
Panghawakan mo sa lahat ng sandali,
Huwag mong bitawan nang dahil sa tukso,
Ito ang sa iyo ay magkakandili,
Kahit ano pa ang mangyari sa mundo,
Ibuhay mo nga ang salita ng Diyos,
Sundin ito nang buong ingat at lubos.
Sa iyong leeg ang tali ay ikwintas,
Laging magpasakop sa Pamamahala,
Huwag kang lalabag sa utos at batas,
Huwag itong ipagwawalang-bahala,
Upang sa araw ng wakas ay maligtas,
At matiyak ang biyaya't gantimpala,
Ang matulis ay huwag ngang sisikaran,
Sayang ang tiniis kapag kinalagan.
Manatiling tapat sa mga tuntunin,
Huwag kang titigil sa mga pagtupad,
Sa Amang banal ay maging masunurin,
Ang nasa pagsamba'y tiyak na mapalad,
Landas ng masama ay huwag tahakin,
Upang putong ng katwiran ay igawad,
Sa 'yong pag-ibig ay huwag manlalamig,
Ikwintas mo ang tali sa iyong leeg.
Categories:
amang, faith,
Form: Ottava rima
Katulad ng lawin-lawinan ang buhay,
Minsa'y sa itaas, minsa'y sa ibaba,
Nagiging masaya kapag nagtagumpay,
Nalulungkot sa panahon ng sakuna,
Mahalagang ang Diyos ang gumagabay,
Anumang sitwasyon ay di alintana,
Dahil laging tinuturuan ng aral
Mula sa Panginoon at Amang Banal.
Ang buhay, lawin-lawinan ang katulad,
Sa pagtaas ay humawak nang mahigpit,
Sa tuntunin ng Diyos dapat lumakad,
Manalangin sa Ama kung nagigipit,
Ang nagpapakababa'y siyang mapalad,
Sa Dakilang Lumikha siya'y malapit,
Ang pagkabigo ay isa sa pagsubok,
Sa pag-asa ay huwag maging marupok.
Huwag magtataka kung hindi pareho
Ang bawat isang nilalang sa daigdig,
Ang Diyos ang nagmamaneho sa tao
Na kung nais ng Diyos ay kinakabig,
Nababago rin ang pag-ikot ng mundo,
Ngunit ang wakas ay hindi na lalawig,
Sa Diyos kumapit kung nahihirapan,
Ang buhay ay tulad ng lawin-lawinan.
Categories:
amang, life,
Form: Ottava rima
Nang sa mundo ako ay nagkamulat
Sa isipan ko’y hindi ikaw ang hinangad,
Pangarap na maging ano o sino
Ang siyang sa puso ko’y namumuno.
Nang lisanin ko na ang sekundarya
Napatigil ako sa isang banda,
Bakit kaya noon kaydali mangarap?
Bakit kaya ngayon sobrang kayhirap?
Parang tinik sa lalamunan ang pagpili
Nang kursong magbibigay sayo ng galak at ngiti;
Halo-halong emosyon ang uusbong
Kahit sino-sino na lang ang tinalunton.
Mahabang panahon na ang aking ginugol
Sa pagpli ng pangarap na hindi mapupurol,
Iba’t ibang suhestiyon galing sa iba
Ngunit sa huli, ako pa rin ang magpapasya.
At nang araw ay dumating
Sa pagpasok sa paaralang Unibersidad
Tuliro ang isipan, pati ang damdamin
Ano bang kurso sa akin may kalidad?
Dumatal na ang dapithapon
Ngunit pasya ay di pa nabubuo
Litung-lito kung ano ang susundin
Si ama’t ina o aking isipan at damdamin?
Waring sana’y taimtim talagang pag-isipan
At tanawin ang mangyayari sa hinaharap
Lalong-lalo na ang gabay ni Amang Lumikha
Na siyang nagpukol sa atin ng buhay na dakila.
Categories:
amang, courage, desire, education, future,
Form: Free verse