Get Your Premium Membership

K’wartong Walang Lagusan


Binalikan ko ang lugar kung saan tayo nagsimula. Nagbakasali akong matagpuan kitang muli.

Natagpuan kita...

May ngiti sa ’yong labi. Para bang walang pagsubok na dumaratal sa ’yo sa bawat sandali. Ngunit‚ nakapagtatakang natagpuan ko ang sariling lumuluha.

Nilisan ko ang ’yong mga bisig‚ kahit alam kong darating sa puntong sisirain ako nito nang paulit-ulit. Naniniwala pa rin akong maghihilom ang sugat sa puso kong dinurog mo nang pinong-pino‚ ngunit—

Nagkamali ako dahil...

Iniwasan ko ang dala mong pighati‚ subalit hindi iyon tumugma sa nais ng aking puso. Pinilit kong yakapin ang sarili ng mag-isa upang tikisin ang matinding pagkirot ng aking bawat kalamnan— hindi iyon naging sapat.

Hindi...

Dahil bawat sugat na dinulot nang nakaraan ay tumagos hanggang sa kaibuturan nitong aking kaluluwa. Paano nga ba ako makalilimot? Paano ko iwawaksi sa isipan ang naging dahilan ng bawat pagkalunod? Na sa pakiwari ko’y naging dahilan nitong pagkahimlay; hindi nitong aking katawan kun’di nitong kaluluwa kong marahil ngayo’y inaagnas na.

Saan nga ba mas tamang kumapit?

Sa bato ba o sa kawayan?

Alin nga ba ang mas matatag sa dayukdok ng pagsubok?

O‚ ’di kaya’y kanino mas tamang lumapit?

Sa kaibigan ba o sa kapamilya?

Sino nga ba ang mas makapagbibigay lakas sa pusong hindi lamang tubig ang inilalabas kun’di maging dugo na siyang patuloy tumatagas?

Pinatid ko ang uhaw nang magdamag. Ipinikit ang mga matang gusto ng maging matatag. Inihele ang sarili sa himig at lirikong ikinubli. Pinipilit palabasin ang ngiting pansamantagal na isinantabi. Subalit‚ katulad nang dati’y hindi umubra ang ginawa kong pagsisikap na maalis ang kirot.

Hindi madali ang ginagawa kong pagpupumilit...

Hindi madali ang ginagawa kong pagkukubli...

Hindi madali ang ginagawa kong baluktutin...

Baluktutin... ang katotohanang hanggang ngayon ako’y nakagapos‚ nakakulong at nakatiwarik...

Nakagapos... sa lubid ng mga alaala.

Nakakulong... sa rehas ng pagdurusa.

Nakatiwarik... sa seldang dilim ang tanging nasisilayan ng aking mga mata.

Ayaw ko na!

Gusto ko nang sumuko!

Gustuhin ko man kasing magtago’y darating at darating ang mga alaala mo...

Sa memorya ko.

Paano kita kakalabanin kung ang bawat ngiting dulot mo’y pagbagsak nitong pakakak ng mga luha ko? Paano ako magwawagi kung sa bawat araw naiisip kong daluyan ako ng bawat kasalanang ibinabahagi mo?

Maaari bang pahintuin ang oras? Kahit isang minuto lang! Maramdaman ko lang ang paglayang aking inaasam...

Kalayaang aking kinasasabikang makamtan...

Kalayaang hinahanap nitong pagal kong pangangatawan...

Kalayaan sa mga alaala mong ang hatid sa aki’y paulit-ulit na kabiguan.

Pakiusap... huminto sana ang oras bago ako tuluyang dumilat.

Inakalang ang sakit ay panandalian lamang. Walang abisong hindi ito katulad ng bakunang itinuturok sa katawan. O‚ ’di kaya’y paghiwa sa ’king pulsuhan.

Dahil ang bawat sakit‚ pait‚ pighati’t lungkot ay ang katotohanang puno ako ng pagkatakot‚ pag-aalinlangan‚ at pagkabigo sa paulit-ulit ding paraan.

Sa paulit-ulit na pagdurusa!

Nakulong na naman akong muli sa sarili kong kamalayan. Nawalan na naman ng buhay ang aking pagkatao. Muli kong nakita ang inaagnas kong kaluluwa.

Kaya ngayon‚ tuluyan ko nang isasara ang pahina ng librong aking hiniram.

’Tulad ng buhay kong aking winakasan.

T i t s e r M S o o n||K’wartong Walang Lagusan


Comments

Please Login to post a comment

A comment has not been posted for this short story. Encourage a writer by being the first to comment.


Book: Shattered Sighs