Oo at hindi diretso ang iyong kahulugan,
Hindi rin tiyak iyong kinabukasan.
Subalit ika'y luwad ng mapagpalang Ama,
Sa'yong kamay, hinugis ang sana.
Kaya't ipipilit, iiyak nang maging masaya;
Lulupasay, mag-aala uod sa lupa!
Ganito ka ngayon kaya kinakaladkad,
Bukas, iba kana't lilipad mamumukadkad.
Taglay mo ang liksi at sigla, ang ngiti at tawa;
Munti man, kayang baguhin pati ang bala.
Daliring animo'y sa mayang walang laya,
Mata nama'y sa agilang malawak ang haraya.
Taglay mo ang lahat ng pagbabago;
Subalit bulag sila sa mga imahinasyon mo.
Bingi rin silang takot na matuto,
Dahil sa ingay ng mga salita mong totoo.
Categories:
sigla, appreciation, bible, child, children,
Form: Rhyme
Huwag manlalamig ang pag-ibig sa Diyos,
Kahit ano pa ang maganap sa daigdig;
Palaging sundin ang Kaniyang mga utos,
Sa kapighatian ay huwag padadaig.
Kahit ano pa ang maganap sa daigdig,
Maging maalab sa tawag ng ating Ama;
Sa kapighatian ay huwag padadaig,
Huwag maglaho ang ningas ng ating sigla.
Maging maalab sa tawag ng ating Ama,
Mahalin natin ang Diyos nang buong lugod;
Huwag maglaho ang ningas ng ating sigla,
Huwag tayong magsawa, huwag manghimagod.
Mahalin natin ang Diyos nang buong lugod,
Tayo'y tumalima na kalakip ang puso;
Huwag tayong magsawa, huwag manghimagod,
Ikintal ang mga aral na itinuro.
Tayo'y tumalima na kalakip ang puso,
Palaging sundin ang Kaniyang mga utos,
Ikintal ang mga aral na itinuro,
Huwag manlalamig ang pag-ibig sa Diyos.
Categories:
sigla, faith,
Form: Pantoum