Long Tubig Poems
Long Tubig Poems. Below are the most popular long Tubig by PoetrySoup Members. You can search for long Tubig poems by poem length and keyword.
Kaklaruhin ng lalim ng iyong pagmamahal ang mga guni-guning bulong kapag kinukumbulsyon ka na sa sakit.
Para itong tuwalyang binasa sa maligamgam na tubig.
Sisipsipin nito ang hindi imbitadong temperatura ng iyong katawan.
Maging ang mga basang una'y tutuyuin nito.
Hanggang sa ang pagtangis ng puso'y maging katumbas ng niluluray na kalamnan.
Magdudulot ito sa iyo ng pagkalito, sa pagitan ng damdaming alam ang nararapat para sa kanya at sa damdaming kaht mistulang inililibing ng buhay ay kukuha ng isang basong tubig, panulak sa gamot a iinumin sa tama nitong oras.
Titiisin ang pait dahil trangkaso lang naman.
Ilog na hindi natutuyo ang agos,
Pinagtularan sa biyaya ng Diyos;
Malinaw na tubig na dumadausdos,
Bumubukal at hindi nga nauubos.
Huwag wawasakin ang likas na yaman,
Kapalit ng walang habas na minahan;
Kapag nagalit ang nasa kalangitan,
Magdudulot ito ng kapahamakan.
Pagputol ng puno sa bundok at gubat,
Ang mga pagbaha ay ito ang ugat;
Pagguho ng lupa'y huwag ikagulat,
Dahil ang daigdig ay batbat ng lamat.
Dapat nating mahalin ang mga sapa,
Upang makinabang ang matanda't bata;
Magkaisa tayo't huwag magpabaya,
Maging Pilipino ka man o banyaga.
Tagtuyot man ay dumating at kumilos,
Ay hindi ka maliligalig na lubos,
Magandang dako na dapat mong matalos,
Ilog na hindi natutuyo ang agos.
555.
Encapsudia: Ang Kambal ng Encantadia
Avisala! Halina sa TED ng CapSU-Dumarao o Encapsudia
Kahawig nito ang Lireo sa Encantadia
Elemento ay hangin, sagisag ay bughaw
Lireo na kanlungan nina Danaya, Amihan, Pirena at Alena
TED na kanlungan nina Dela Cruz, Arriola, Penson at Araneta
Avisala! Halina sa Crim ng CapSU-Dumarao o Encapsudia
Katulad nito ang Hathoria sa Encantadia
Elemento ay apoy, sagisag ay pula
Hathoria na naghari dahil sa lakas at dami
Crim na naghari din kung pag-uusapan ay dami
Avisala! Halina sa Agri ng CapSU-Dumarao o Encapsudia
Kapareho nito ang Sapiro sa Encantadia
Elemento ay lupa, sagisag ay dilaw
Sapiro na sagana sa yaman ng lupa
Agri na nakatutok sa pagpapayaman ng lupa
Avisala! Halina sa Vet.Med ng CapSU-Dumarao o Encapsudia
Kamukha nito ang Adamya sa Encantadia
Elemento ay tubig, sagisag ay berde
Adamya na kapiranggot na alaga ng brilyante ng tubig
Vet.Med. na kakaunti na alagang hayop ang hilig
Avisala! Halina sa Computer ng CapSU-Dumarao o Encapsudia
Kawangis nito ang Etheria sa Encantadia
Elemento ay kuryente, sagisag ay lila
Etheria na nasa gitna at naglaho na
Computer na nasa gitna rin at wala na.
-05/19/2017
* a tribute to CapSU-Dumarao and Encantadia,
written this day of final airing of Encantadia 2016
146.
Daragus 5
-Ikalawang Pagsubok sa Magiging Prinsipe-
29 Ang ikalawang pagsubok ay pabilisan
Ng paglangoy mula dalampasigan
30 Ang mga lalaki na walo
Kailangang makuha ang bandilang ginto
31 Na nakatayo ng mga metrong labindalawa
Mula sa buhanging kinatatayuan nila
32 Mga banderang sa tubig nakalitaw
Na parang sa bangka'y mga paraw
33 Nakatusok ang patpat sa buhangin
Na mga paa'y aabot rin
34 Pangatlo si Agus na nakakuha
Malapit na sa dalampasigan ang una
35 Subalit kanyang ibinuhos lahat ng lakas
Naging pinakamabilis at nauna si Agus sa wakas.
-06/24/2012
*Gintong Lupa Series
150.
Daragus 9
-Diwata ng Tubig-
57 Unti-unting si Agus ng tubig lamunin
Dahan-dahang lumayo bangka ng mga salarin
58 Ang prinsipe'y gupung-gupo
Wala nang pag-asa sa saklolo
59 Pilit mang kumawala sa pagkabuhol
Hindi makapalag sa himulmol
60 Anong klaseng hilahil?
Pagkalunod hindi pigil!
61 Subalit bago pa man malagutan ng hininga
May umagap na isang himala
62 Sa prinsipeng nalulunod, may nilalang na yumapos
Kaagad siyang pinaalpas sa pagkakagapos
63 Binuhayan mga luoy na bisig
Nitong bayaning Diwata ng Tubig.
-06/26/2012
*Gintong Lupa Series
27.
Duguang Oble
O Obleng ibig, ba't ka inusig?
Binusalang higpit iyong bibig
Mata'y hinigop na parang tubig
Tenga'y sinuntok hanggang matulig
Dinakma't dinurog mga bisig
Ng mga buwetreng manlulupig!
Dugo'y ‘lang habas na umiilig!
O Obleng pantas, ba't ka ginago?
Itinuring kang peste't bilanggo
Dura't ihi sayo'y pinaligo
Sa hanap mong mga pagbabago
Ika'y lagi nalang binibigo
Ng sayo'y namugad na mga kwago!
Tinutuka habang dumudugo!
O Obleng bituin, ba't ka piniga?
Laman mo'y ngitim sa pamamaga
Pinipilipit ka't inuuga
Pangalan mo'y ipinansisiga
Kaylinaw na hangad kang ihiga
Ng mga ahas mong inaruga!
Duguang Oble! Ganti'y ibuga!
-04/03/2007
(Dumarao)
*just feel
34.
Mahalagang Pangulo
Unang nakilala sa Araling Panlipunan
Sa mga libro't guro na siya'y ipinangaral
‘Sang simpleng maybahay na tanghal ng kasaysayan
Babaeng sinipa diktaduryang pinairal…
Sa kanyang panahon, ako'y ‘lang malay na musmos
Pulitika, bansa – ano'ng pakialam ko diyan?
Sa unting pagkagulang naunawaang lubos
Bansang hinayupak, pulitika'y pandirian!
Saksi kung paano ang mga hayok na tao
Na parang tubig ang kapangyarihang inuhaw
Lalo na yung mga sa trono ay nakaupo
Daig pa ang mga busabos na magnanakaw!
Mga namulatang pagluklok sa sinadlakan
Ng mga itinuring na pinuno ng bansa
Bahid ng anomalya't ano pang karumihan
Maliban sa isa na dapat ipagdakila.
Ang nasabing pagluklok ipinagmalaki
Maging ibang bansa'y hinuwaran, itinulad
Ang Lakas ng Bayan nating ipinagpunyagi
Nagpanumbalik sa demokrasyang hinahangad.
Iyon ay dahil sa isang babaeng tumayo
Siya'y sagisag ng pag-asa't demokrasya
Mapayapa't malinis na inakyat ang trono
Hanggang kailan ang diktadurya kung siya ay wala?
At kahit wala na sa luklukang hinantungan
Nagsilbing halimbawa na nagmahal sa bansa
Nasilayan kong dinamayan niya't kinalaban
Isa ring sa Pilipinas ngayon ay nagrereyna.
Sa kanyang paglisan sa mundong pinaglipasan
‘Di dapat kalimutan Dangal ng Pilipino
Itatak sa kasaysayan simple niyang pangalan
Corazon C. Aquino…Mahalagang Pangulo.
-08/05/09
(Dumarao)
*written this day of Pres. Cory Aquino's burial
140.
Siboloria 14
-Ang Alamat ng Unang Lahi sa Gintong Lupa-
92 Bago magbukang-liawyway ay nilamon
Ng bubuli ang prinsipe bago bumangon
93 Kumaripas sa kagubatan
Iniluwa't muling nagkita ang magkasintahan
94 Naroon din ang Diwata ng Lupa
Mga kabute't tubig ay dala
95 Pagkain at inumin isusuhay
Sa mahiwagang bubuli isasakay
96 Sa ‘di kalayuan ay umugong
Mula sa palasyo ang budyong
97 Pinaulan ni Bulawan ng buhangin ang kagubatan
Upang pabagalin mga kalaban
98 Tungo sa Gintong Lupa!
Unang Lahi ng mga tao roon – kina Sibo at Loria!
-06/21/2012
*Gintong Lupa Series
783.
Ang Tubig ng Babae sa Samaria
at Ang Luha ng Babae sa Hacienda Luisita
At napadpad si Hesukristo sa Samaria
Kung saan nakatagpo niya si Photina
Humingi ng tubig ang Panginoon sa kanya
Na parang ayaw Siyang painumin sa una
Ang humingi ay taga-Judea
Ayaw bigyan Siya tila
Ito ay gaya ba…
Ng mga humingi na magsasaka?
Ang hiningan ay taga-Samaria
Ayaw mamigay yata
Ito ay gaya ba…
Ng mga hiningan na panginoong-maylupa?
Ang humingi at hiningan ay parehong Israelita
Sa isa't isa parehong magkababayan sila
Ito ay gaya ba…
Ng mga pinatay at pumatay sa Hacienda Luisita?
7 patay na mga magsasakang nagprotesta
121 sugatan sa kanila kabilang ang mga bata't matatanda
133 pinagdadakip at ikinulong pa
Ito ba ang tugon sa babaeng lumuha?
-03/15/2020
(Dumarao… based on today's Gospel)
*Ides of March
Masarap ang berdeng bukong bilog,
Kunin ang matalas na tabak;
Mula sa bungang inihulog,
Huwag uminom ng alak.
Kunin ang matalas na tabak,
Tanggalin ang makapal na buhok;
Huwag uminom ng alak,
Mag-ingat sa hawak na gulok.
Tanggalin ang makapal na buhok,
Tingnan ang lawa ng sabaw;
Mag-ingat sa hawak na gulok,
Inumin ang tubig na malinaw.
Tingnan ang lawa ng sabaw,
Lasapin ang malambot na laman;
Inumin ang tubig na malinaw,
Basain ang uhaw na lalamunan.
Lasapin ang malambot na laman,
Mula sa bungang inihulog,
Basain ang uhaw na lalamunan,
Masarap ang berdeng bukong bilog.