Panaginip
Panaginip
Ako'y isa lamang kaluluwang
dumaraan sa mundong ikaw ang nagpinta
Kung saan ang bawat halakhak ay walang kasiyahan
at ang pagluha ay pangkaraniwan
Ako ay isang hangin na dumaraan
Humahaplos sa tulalang nilalang
Dumadampi sa balat mong manhid sa nadarama
Nakatunghay sa naglalahong pangarap
Ako'y isang mapagpanggap na ikaw
Kung saan ang lahat ay kathang isip lamang
PInipilit isipin ang naghahabulang bukas
Na sa isang saglit lamang ay lalamunin sa kalawakan
Ako'y isang perpektong kawangis mo
Kung saan ang ngiti mo'y tumatagos sa ikalawang ako
Bumabaon sa utak na sa hangin mo lang maipadadala
Ang mensaheng walang laman kungdi ikaw
Ako'y isang mapanuksong kaaway
at mabangis na kaibigan
kaya kong wasakin hindi lamang ikaw
kungdi maging ang sarili kong buhay
Ako'y isang mabuting kaulayaw
sa mga pagkakataong ikaw ay nag iisa lamang
ibabahagi ko sa iyo ang aking kayamanan
Iinggitin sa kasiyahang ako lamang ang may alam
Ako'y ay ang iyong paningin
Kung saan ako'y mas malinaw pa sa dilim
Ipikit mo ang iyong mga mata
At duon ako'y masisilayan
Ako ay ang iyong nais
Isang nilalang na di kinakailangang magtiis
Hindi mo akong kayang pantayan
Sapagkat ako'y walang kamatayan
Ako ay isang ikaw
Na nagbabago ngunit walang buhay
Walang mahikang ginamit kungdi isang unan
Na magsisilbing pintuan sa kawalan
Copyright © Scunder Dicychael | Year Posted 2021
Post Comments
Poetrysoup is an environment of encouragement and growth so only provide specific positive comments that indicate what you appreciate about the poem. Negative comments will result your account being banned.
Please
Login
to post a comment